Search our site  

Advance Search    
               
Back to Home!
History of the Archdiocese
The Clergy
Archdiocesan Directory
Pastoral Programs
Library
Gospel Readings
RCAM News
Links
Contact Information

 

'Ang May Debosyon kay Hesus Nazareno
ay May Pag-asa'

Homily of His Eminence Gaudencio B. Cardinal Rosales, Archbishop of Manila during the Mass for the Feast of the Black Nazarene on January 9, 2008 at Minor Basilica of the Black Nazarene at 6:00 a.m.

 

Para po sa basilicang ito ng mahal na poong nazareno, mga monsinyores kasama ang mga pari, ay nakikiisa po sa selebrasyon ng misa. Mga kagalang- galang na ama ng lungsod ng Maynila, Mayor Alfredo Lim at sa mga kasama niya sa konseho. Kayong lahat na may debosyon sa ating Panginoong Hesukristo, Hesus Nazareno kasama ng simbahang ito. Sa mga nasa labas ng simbahan at maging sa mga sumusubaybay sa himpapawid. Itong ating ginagawang pagdiriwang, lahat ay mahalaga sa ating Panginoong Hesus.

Magandang umaga po sa inyong lahat! At magandang pagkakataon ito na tayo ay binayayaan na naman ng ating Panginoong Diyos ng isang pagkakataong maipagdiwang ang kaarawan ng Poong Hesus Nazareno. Napakaganda ng ibig sabihin nitong mayroon tayong mananakop na bumaba pa mula sa langit upang makipamuhay na katulad natin. Ito marahil ang nagbibigay ng pag-asa sa mga may debosyon sa mahal na Poong Nazareno na naway maulinigan natin ang ibig sabihin ng pag-ibig ng Diyos. Ang pag-ibig ng Diyos ay mauunawaan natin hindi sa salita kundi sa buhay ng isang taong nakipamihay na katulad natin.

Hesus Nazareno, bugtong na Anak ng Ama na kanyang ipinadala sa larangan lamang, isang tema lamang ang dala dala ni Hesus. Isang tema, isang diwa lamang ang dala dala niya dito. At ito ay sinabi sa atin ng Ebanghelyo ngayong araw na ito. Ganun na lamang kalaki ang pag-ibig sa atin ng Diyos sa sanlibutan, sa tao. Ganun kalaki ang kanyang pag-ibig na ipinadala niya ang kanyang bugtong na anak, upang ang sinumang sumampalataya at tumanggap sa kanya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Si Kristo pala ang padala ng Diyos! Sa larangan ng pag-ibig, yan lang ang sadya ni Hesus. Ipakita, isalarawan, ipamalas upang maramdaman ng tao na siya, ikaw at ako, na tayo ay mahal ng Diyos. Yan lang ang sanhi ng kanyang pagkaparito. mahal tayo ng Diyos. Ipinadala ang kanyang bugtong na anak, dahil sa mahal tayo ng Diyos. Diyatat ang may debosyon kay Hesus Nazareno ay may pag-asa. Yan ang kakaibahan ng taong may debosyon sa Poong Nazareno. Yun bang may pag-asa siya, at bakit ba siya umaasa sa kinabukasan? Umaasa siyang, may kasagutan ang kanyang lahat na pangangailangan. Bakit? Dahil mahal siya ng Diyos.

Ito ang dahilan kung bakit siya naparito. At dahil mahal siya ng Diyos ang Diyos ay natutuwa sa kanya. Natutuwa ang Diyos sa taong may pananampalataya. Natutuwa ang Diyos sa taong nagpapakumbaba. At nakikita nga natin kung saan at kung papaano ipinamuhay ng Diyos Ama ang kanyang anak dito sa lupa.

Sa anong  paraan matutuwa ang Diyos? Hesus, Senyor Nazareno, yang si Hesus may luha yan. At binanggit sa Ebanghelyong ilang beses yang lumuha. Kapag ang Diyos ay lumuha, dalawa ang dahilan. Lumuluha ang Diyos kapag siya ay natutuwa. At ang Diyos ay natutuwa sa taong tapat sa kanya. Kung minsan ang kalikasan ay nagsasalarawan ng luha ng Diyos sa pamamagitan ng ulan. Pero sa takbo ninyo, nating lahat, alam nating natutuwa ang Diyos, luha ng katuwaan, Hesus Nazarenong sinabi na naluha.

Ang Diyos ay maaaring lumuha dahilan naman sa awa. At ilang ulit sa Ebanghelyong sinabing naluha si Hesus katulad natin, may awa siya sa mga mahal niya; kay Lazaro. Niluhaan ng Diyos ang lungsod ng Jerusalem sapagkat nakikinikinita ng Diyos ang mangyayari sa suwail na lungsod ng Jerusalem.

Kapatid, yan pala ang dahilan! Mahal tayo ng Diyos sa anumang panig. Kung swertehen ka, kasama siya. Kapag naman nagkakamali ka, kapag naman may kasalanan ka at nagtatago ka pa sa kanya at patuloy pa ang paggawa mo ng masama, kapatid, niluluhaan ka ng Diyos. Ang nakatutuwa sa Diyos na ito ay, ang sabi nga, ipinadala ng Ama si Hesus hindi upang hatulan ang tao ng kaparusahan, kundi upang magkaroon ng kaligtasan. Ang Diyos pala ay hindi mapagmasid, upang parusahan ang tao. Ang gusto pala ng Diyos ay ikaw at ako, tayong lahat, ay huwag mapahamak. Ito pala ang gusto ng Diyos, kapag ang Diyos ay nagmahal, kaya kang patawarin. Ang maganda sa ating Poong Nazareno, lumalapit ang lahat ng tao, binibiyayaan, at kung minsan ay nawawalan ng biyaya, nagpapakabait at kung minsan ay nagkakaroon ng pagkakasala, pero ang lahat ay mahal ng Diyos! Hindi niya hinahanap hanap ang pagkakataong ito ang parusa sayo! Hindi ganyan ang Diyos. Hindi katulad ng tao na hinahanap pa ang dahilan para siya ay parusahan, ang kapwa ay parusahan, laitin, pasamain. Hindi ganyan ang Diyos. Ang Diyos, ang wika nga sa Ebanghelyo sa umagang ito ay mapagmahal, at hindi binabantayan ang pagkakataong magparusa sa tao. Ang parusa ng tao ay ang tao ang gumagawa. Hindi ang Diyos. Maliwanag ang sinasabi ng Ebanghelyo, naparito siya hindi upang hatulan ng kaparusahan, ang taong makasalanan at ang gumagawa ng masama. Siya ang nag-iiwan ng parusa para sa kanyang sarili, para sa kanyang bayan at para sa kanyang mga kasamahan. Tao ang may likha ng kasalanan. At si Hesus ay pinadala rito upang pawiin ang kasamaan ng tao.

Napakaganda ng biyayang dala ng Poong Nazareno. Nakipamuhay siya tulad natin. Upang mabigyan tayo ng pagkakataong mamalas natin, masaksihan natin, madinig natin, makita natin, para tayo ay gumising na hahawak hawakan ng mga hudyo ang braso ni Hesus. Nararamdaman ng mga bata ang yakap ni Hesus. Ang pag-ibig pala ay ganun. Dapat maranasan ng tao, the love of God was experienced by men in Jesus. Saan inilagay ng Diyos ang kanyang Anak? Ito ang maganda sa ating pagdiriwang. Saan inilagay ng langit itong si Hesus bugtong na Anak ng Diyos nung siya ay namamayan, namumuhay katulad natin? Inilagay siya sa isang maliit na maliit na maliit na bayan. Halos hindi mapansin ng mga tao. Iniligpit siya duon. Kung iyan ang tamang salita, maaaring hindi. Itinago siya ng Ama sa isang napakaliit na bayan na kung tawagin ay Nazareth. Ito ang dahilan kung bakit tinawag na Nazareno. Ganun siya pinamuhay ng Diyos, sa isang maliit na bayan kung saan ang kanyang ama amahan na si Jose ay isang panday at si Maria naman ay isang house-wife, ina ng tahanan. Sumasalok ng tubig, naglilinis ng bahay, simpleng simple ang pamilyang kinalagyan ni Hesus. Payak na payak ang kanyang pamumuhay. Simpleng simple, ordinaryong ordinaryo. Ito ang dahilan kung bakit si Hesus ay nakakaakit ng mga tao. Lumaki na sa pagpapasan ng krus. Alam nyo kung saan siya galing? Sa katulad ninyo. mga dukha, mga hirap, may mga pangangailangan. Dahil dito si Hesus, hindi lang mananakop natin, kapatid na may debosyon sa Poong Nazareno. Kapatid, si Hesus ay kapatid natin. Hindi lang mananakop. Kapatid sa kahirapan, kapatid sa paghahangad ng mabuti, kapatid sa karanasang pang-araw araw. Kasama natin siya. Ito ang dahilan kung bakit ang lakas ng hatak ni Hesus sa pangkaraniwang tao. Napakalakas ng hatak niya sa pangkaraniwang tao. Bakit? Sapagkat kay Hesus Nazareno, makikita natin ang kapayakan, kasimplehan, pagkaordinaryo ng buhay. Walang pagbabalatkayo. Katulad ng idinudulot ng yaman. Walang pagbabalatkayo katulad ng idinudulot ng impluwensiya ng mga matataas na mga posisyon. Wala niyan sa Nazareth. Kaya si Hesus ay sa Nazareth itinago ng ama upang maranasan ni Hesus ang karukhaan at maging kapatid natin sa mga pangangailangan. Aba, dahil dito, may debosyon sa Poong Nazareno. Nasa atin ngayon ang malaking pag-asa. Pagsamasamahin natin ngayon ang pinanindigan ni Hesus, ang pag-ibig, ang pagdamay, ang kawang gawa, ang pag-unawa sa tao. Ang magpatawad. Anupat kung masusunod natin yung kawanggawa ni Hesus, nagpapakain sa mga dukhang nagugutom, maniwala kayo mga kapatid, at hindi siraan ang ating pagbubuhusan ng ating mga salita. Pagbibintang ang pagbibigyan ng panahon. Maniwala kayo na kung ang ating paninindigan ay ang pag-ibig ni Hesus, pagkakaisa sa kahilingan, pagtutulungan, patawaran, aber, talagang ang bayan, ang syudad, ang bansa ay magiging isang Nazareth. Kung saan tayong lahat ay kapatid ni kristo, na siya nating mananakop.

Lahat kayong naririto ngayon, nakisalo sa ating pagninilay na ito. Iuwi ninyo ang pag-asa. May pag-asa po tayo. Sa mga landas ni Kristo, at hindi sa landas na itinuturo sa atin ng mga mapagmataas. Hindi, hindi kapatid. Hanggat hindi natin nabababaan yung landas ng pagpapakumbaba ni Kristo, hindi tayo magkakaroon ng katahimikan at pagkakaisa. Lahat tayo ngayon ay kasama sa pagninilay ni Kristo. Hingin natin kay Kristo Hesus Nazareno ang biyaya na ating masundan ang kanyang halimbawa, ang pang-unawa, ang panalangin, ang pagpapatawad, ang pagtutulungan, pagdadamayan. Maliliit na paggawa ng mabuti. Yung maliliit na paggawa ng mabuti na turo ni Hesus, maliliit na sing liit ng Nazareth ngunit mabuting namamayan. Malliliit na gawain sa maghapon, ngunit pinagpapatuloy. Kapatid, ito ang maraming mukha o pisngi ng pag-ibig. Love is one. Nag-iisa ang pag-ibig sapagkat ang Diyos ay pag-ibig. Ang sabi nga sa Bibliya, God is love. Deus Caritas Es. Ito ang binabasa natin sa unang sulat ni San Juan na ang Diyos ay pag-ibig. Kung ang Diyos ay iisa, huwag kayong magugulat sa sasabihin ko. Kung ang Diyos ay iisa, iisa rin ang pag-ibig. If God is one, love is also one. Ngunit ang nag-iisang pag-ibig na iyan, ay maraming mukha, maraming pisngi, maraming paraan, maraming pagkakataon, maraming expression, maraming gawain. Si Hesus ang nagturo sa atin mula sa Nazareth. Ang lahat ng mabuting gawain ay pwedeng  pag-isahin sa pag-ibig. Ito ang leksyon ng Nazareno. kaya sana’y itong biyayang papiyesta sa atin ng Poong Nazareno ay magkaisa tayo sa turo ni Hesus na ang pag-ibig ng Diyos ang pag-asa natin.

Sa ngalan ng Ama, at ng Anak at ng Espiritu Santo, Amen.

 

Home | History | The Clergy | Directory | Pastoral Programs | Library | Gospel Readings | RCAM News | Links | Contact Us
_____________________________________

Copyright © 2003 Archdiocese of Manila. All rights reseved.
Usage outside our Permissions Guidelines requires our prior written consent.

 

web page hit counter