English
TUNGO SA ISANG BAYANG MULING PINATATAG
NG ISANG BUHAY NA MARANGAL
Dumadaan tayo ngayon sa isang kaguluhang pampulitika at panglipunan. Ngunit ito’y higit pa sa usapin ng katotohanan upang magpatunay sa pagiging matuwid natin. Ang usapin ng pagiging matuwid ay tumutukoy sa dangal ng lahat- ng mga nagsasakdal at gayon din sa mga nasasakdal. Tayo’y nalulungkot at sa wari natin ay napagtaksilan tayo. Ngunit sa kabila ng lahat, humuhugot tayo ng lakas sa paalala sa atin ni Papa Benito XVI, “na sa kabila ng matitinding kaguluhang nakakasalamuha natin, ang dakilang pag-asa natin ay ang Diyos lamang sapagkat siya ay patuloy na nagmamahal sa atin hanggang sa huli, hanggang maganap ang lahat.” (Spe Salvi, 27) Matibay ang ating paniniwala na kung tayo’y sama-sama mayroon tayong kakayahang iwasto at linisin ang ating bayan at dapat itong magsimula sa ating mga sarili.
Ang Disyerto bilang Larawan ng Pagbabago
Ang kasaysayan ng kaligtasan ay nagtuturo sa atin na ang mahabang daan patungo sa kalayaan ay kinakailangang dumaan sa disyerto ng paglilinis at pagbabagong-loob. Ang akala ng mga Israelita ay malaya na sila nang sandaling sila’y nakatakas mula sa Faraon, nang sandaling sila’y mahimalang nakatawid sa Dagat ng Tambo. Ngunit sa katotohanan ay hindi pa rin sila lubusang malaya dahil nandoon pa rin ang pagnanais nilang magbalik sa kanilang kinamihasnang mga pag-uugali nang sila’y nasa Egipto pa. “Mabuti pa’y bumalik na tayo sa Egipto.” (Bilang 14:3)
Ang piniling bayan ng Diyos ay nag-alinlangan nang sila’y nasa dalampasigan ng Dagat at sila’y nanatili pa ring mga alipin. Kaya nga, sila’y kinakailangang akayin ni Moises palayo sa Dagat ng Tambo hanggang sila’y makarating sa disyerto ng Shur. (Exodo 15:22) Ang akala nila’y ang Faraon lang ang salawahan sapagkat hadlang siya sa kanilang pagsamba sa tunay na Diyos, ngunit sa disyerto nila natuklasan na sila din pala ay mga salawahan sapagkat sila man ay sumamba sa gintong diyos-diyosan. (Exodo 32:1-29) Dito sila’y sinanay at pinapagbago laban sa kanilang kasakiman. (Exodo 16:17-21) Ang disyerto na kanilang kinatatakutan ay naging lugar ng kanilang paglilinis, pagsasanay at pagbabago sa loob ng apatnapung taon, bago sila tuluyang nakapasok sa lupang pangako. Alam natin na magpahanggang ngayon ay wala nang iba pang daan na tunay na makapagdadala sa atin tungo sa pagbabagong-loob at pagpapanibago kundi ang daan ng disyerto.
Kung babalikan natin ang EDSA I, ang karanasan na may natatanging kadakilaan at kagitingan, tila baga ito’y ang karanasan ng mga Filipino ng pagtawid patungo sa kalayaan; na hindi sukat akalain ng karamihan na ito pala ay unang hakbang lamang tungo sa ganap na kalayaan. Naghihintay ang disyerto sa mga taong dapat malinis at magkaroon ng pagbabagong-loob bago sila tuluyang makarating sa lubos na kalayaan. Ngunit mas pinipili pa ng bayan na manatili sa nakalalasing na hiyawan ng mga lansangan bilang maikling daan tungo sa kalayaang katha ng kanilang isip at nanatili silang takot na “pumasok sa hamon ng disyerto” na magdadala sa kanila sa pagbabagong-loob at bagong simulain.
Ang Katiwalian bilang Kanser na Pumapatay sa Bayan
Wala na tayong maidaragdag pa sa pagkasuklam ng Diyos sa kasinungalingan, panlilinlang, kawalang katarungan at kasamaan. Ang ating budhi, bilang tinig ng Diyos sa ating puso, ay nagtuturo sa atin kung ano ang mabuti na dapat nating pagsumikapan at ang kasamaang dapat nating iwasan. Kilala ang bayan natin bilang may takot at pag-ibig sa Diyos, ngunit ang nakalulungkot ay mayroong nakahandang makipagbuno, manloko at pumatay para lang sa salapi.
Ang nakahihiya pa ay nakikilala na rin tayo bilang isang bayan na ang pangunahing pangangalakal ay ang pulitika, dahil ito ang tiyak na daan tungo sa kapangyarihan na siya rin namang tiyak na daan tungo sa kayamanan.(1) Sa bansang ito karaniwang ginagamit ang pulitika ng ating mga kababayan upang magkamkam ng salapi, at higit na pulitika upang ingatan ang mas maraming salapi. “Lubusang sinisira ng katiwalian ang papel ng mga kawani ng tanggapan dahil ginagawa nitong kasangkapan ng pangangalakal-pulitika ang kahilingan ng mga mamamayan at ang paglilingkod na dapat ibigay ng pamahalaan. Sa ganitong katayuan, ang mga pagpapasya sa pulitika ay kumikiling lamang sa iilang balakin ng mga taong may sinasabi sa lipunan at ito’y nagiging balakid upang maihatid ang pangkalahatang kabutihan ng mamamayan” (Compendium of the Social Doctrine of the Church, 411).
Ang katiwalian ay maliwanag na pagyurak ng isang tao o ng ilang grupo sa kabutihan ng nakararami. Ano pa man ang maging ang anyo nito, ang katiwalian ay imoral at laban sa katarungan. Ang katiwalian ay higit na mas masama kaysa pagsisinungaling, dahil ang pagsisinungaling ay paraan lamang upang pagtakpan ang mga tiwaling gawain. Sa tuwing ang salapi ng pamahalaan ay ninanakaw o dili kaya’y ang mga nakikipangalakal o pumapasok sa mga kontrata sa pamahalaan ay nanunuhol para sa mga proyekto, ang pangungurakot at katiwalian ay nagaganap sa ikasisira ng pamahalaan. Ang pangungurakot ay pagkamkam ng kayamanan sa pamamaraang mapanlinlang, mapandaya at madumi sa labis na paggamit ng katayuan sa pulitika, pangangalakal, at iba pa; ang katiwalian naman ay ang maling paraan ng pagpapayaman ng mga pulitiko at kawani ng pamahalaan, o dili kaya’y ang malalapit sa kanila sa hindi wastong paggamit ng kapanyarihang ipinagkitawala sa kanila (BIR Revenue Memo Circular 12-2005). Bilang paglabag sa katarungan sa bansa at bayan, ang pangungurakot at katiwalian ay laban sa Ika-pitong Utos ng Diyos at nagpapahayag ng kataksilan sa bansa.
Ang Pangkalahatan at Pamalagiang Pagsunod sa Ika-Pitong Utos ng Diyos.
“Huwag kang magnanakaw.” Ang Ika-Pitong Utos ay para sa lahat maging sa isang tao man o sa buong grupo. Kaya nga ba, kung may isang nag-aangkin ng salaping nakaw o katumbas nito na hindi naman kanya, nararapat lamang ayon sa hinihingi ng katarungan na isauli ito sa may-ari ng salaping nakaw o nakuha mula sa panunuhol. (CCC, 1459). Kung ang may-ari ng salapi ay hindi na matuntunan, ito ay dapat ibahagi sa mahihirap, o sa mapagkakatiwalaang mga institusyon na magbibigay ng salapi sa mahihirap o di kaya’y gagamitin ang salapi upang makapaglingkod sa mahihirap.
Ang pagsasauli ng ninakaw ay malinaw na palagiang turo ng banal na Kasulatan sa paglabag sa Ika-Pitong Utos. “Ang sinumang magnanakaw . . . ay kinakailangang magbalik ng ninakaw” (Exodo 21:37).
“Panginoon, ibibigay ko po sa mga dukha ang kalahati ng aking ari-arian. At kung ako’y may nadayang sinuman, apat na ibayo ang isasauli ko sa kanya.” Ang biyaya ng kaligtasan ang iginawad ng Panginoong Hesus kay Zaqueo pagkatapos niyang ipahayag ang kanyang pagsisisi. (Lukas 19:8-10). Ito ang itinuturo ng Simbahan tungkol sa pagnanakaw: Hindi maaaring igawad ang pagpapatawad (absolusyon) hangga’t walang pagsasauli ng ninakaw. Ayon kay Hesus, may kaligtasan sa pagsasauli ng ninakaw. (Lukas 19:9). Masasabi din natin na tunay ang pagbabagong-loob kung may matibay na hangarin na ibalik ang ninakaw at ang hangaring hindi na muling magnanakaw. Hindi dapat pakatiyak ang nagbabalik-loob na sa kanyang pananampalataya ay ituring niyang siya’y napatawad na ng Diyos dahil lamang sa pananampalataya, kahit na wala siyang tunay na pagsisisi sa kanyang mga kasalanan . . . dahil ang pananampalatayang walang pagtitika ay hindi nakapaghahatid ng kapatawaran ng kasalanan. (Council of Trent).
Ang Ika-Pitong Utos ay para din sa mga mangangalakal at lahat ng mga mamamayan na naghahanap-buhay, mga nasa larangan ng komersyo at pamimili. Ang pandaraya, pagpapatong ng labis na halaga, panunuhol sa mga kontrata, pandaraya sa timbangan, pandaraya sa pagbabayad ng tamang buwis at pagpupuslit ng mga bagay-bagay na dapat sana’y nabuwisan kasama dito ang pagpapapuslit at pagpapasok ng droga na sumisira sa payak at mahihinang mamamayan – ang lahat ng mga ito ay paglabag sa Ika-Pitong Utos ng Diyos.
Ang Tugon natin: Ang pagpasok natin sa disyerto.
Matanda man o bata, mula kindergarten hanggang high school, patungo sa kolehiyo, maging hanggang sa licensure exams, ang lahat ay dapat hubugin at gabayan patungo sa matuwid na buhay at sanayin na hindi dapat mandaya sa pag-aaral at pagsusulit. Ang “displina ng disyerto” ay dapat ituro at ipatupad kung nais ninuman na magtagumpay sa anumang antas tungo sa kaganapan ng buhay.
Ang Ika-Pitong Utos ay sumasaklaw hindi lamang sa mga usapin ng pangungurakot at katiwalian na kasalukuyang inilalantad. Sakop din nito ang lahat ng antas ng paglilingkod sa pamahalaan, lahat ng mga namamahala at namumuno, anuman ang maging bunga ng mga pagsisiyasat sa kasalukuyan at sa hinaharap. Ang utos na “Huwag kang magnanakaw” ay sumasaklaw sa lahat ng kalakalan kahit na ng mga pangkaraniwang mamamayan.
Kapansin-pansin na ang laganap na katiwalian na nakikita natin sa iba ay sumasalamin sa mga katiwaliang namumugad sa ating mga sarili.
Maraming katiwalian at kabuktutan ang namamayani sa mga lungsod, bayan at kahit na sa mga maliliit na barangay. Sa nakaraang dalawang salinlahi, mayroon nang libo-libong mga matiwaling kontrata sa pamahalaan, ang pinaka-malawig at pinaka-kontrobersyal sa mga ito sa kasaysayan ng ating bansa ay ang Westinghouse’s Bataan Nuclear Plant. (2)
Ang tunay at ganap na kalayaan ay nangangahulugan ng pagpasok sa ilang ng pagsisisi at pagbabalik-loob. Sa puso ng tao lamang matatagpuan ang pagbabago. Dito natin ito simulan.
Ituturo sa mga parokya ang lahat ng dapat pahalagahan para sa makatarungang pamumuhay, ipagdarasal ito sa lahat ng mga tahanan, muling ituturo sa mga paaralan at pagninilayan sa mga pamayanan at bukluran. Kinakailangan ng mga balangkas na magtataguyod ng isang matuwid na buhay at makatarungang pakikitungo sa kapwa. Matapos ang pansarili at pang-pamayanang karanasan ng pagbabago ng kalooban sa ilang, akayin nawa tayo ng Diyos patungo sa kalayaang pinapangarap nating lahat.
Lagi nating kailangan ng tulong ng Diyos.
Kailangan natin ang biyaya ng Diyos kung hihimukin natin ang bawa’t isa, kung sisikapin nating magpatawad at pagbayaran ang lahat ng kawalang katarungan na ating nagawa, at magsimulang muli, hindi na sa mga pampang ng “ating Dagat ng Tambo” ngunit lalampasan pa ang mga lansangan ng EDSA. Ang mga nagtitiwala at nagmamahal sa Diyos, bilang tunay na mga Kristiyano, ay hindi dapat panaigan ng galit; hindi dapat hayaang wasakin ang bawat isa kung nais ituwid ang mga pagkakamali nagawa noon o ngayon. Marami ang tumutuligsa sa kasalukuyang pamahalaan lalo na sa mga usapin ng katotohanan at katarungan. Ngunit mapanunumbalik natin ang pamamayani ng katotohanan at katarungan nang hindi gumagamit sa karahasan at pagkamuhi. Mahirap isipin na ang isang bansa ay maaaring mabuo batay sa pagkamuhi Bilang inyong mga pastol, hindi kami mangingiming paalalahanan kayo kahit na ikagalit pa ng iba ang pamamaraan namin sa pagtuturo. Ito ay para sa ikabubuti ng lahat, lalo na ang mga naghihikahos nating mga kapatid, kaya nga’t kami’y nananawagan para sa sama-samang pagpapanibago.
Kailangan natin ang mga lider mula sa pinakamataas hanggang sa pinakamababang antas gayundin ang kanilang pamilya na hindi lamang mamuno kundi magbigay rin ng mabuting halimbawa ng pagsisisi at tunay na mapagpakumbabang pagbabalik-loob sa Diyos. Kailangan din natin ng mga taong ang pag-iisip ay tinatambalan ng positibong saloobin sa pagtataguyod ng ating bayan. Sa pamamagitan ng mabuting halimbawa at pagpapalakas ng kalooban, mapupukaw ang damdamin ng mga mamamayanan na sundan ang dati’y pinangangambahang pasukin – ang disyerto ng pagbabago.
Ngayon, diretso na tayo sa hindi natin kaagad gustong puntahan – sa disyerto ng ating mga masamang karanasan at kasalanan na dapat nating baguhin! May pag-asa po ang ating bayan at ang ating mga sarili. Basta’t sa pagbabago kay Kristo Hesus tayo’y magsasama-sama.
Sa diwa ng panalangin, magsumamo tayo kay Maria at Jose na akayin tayo pabalik kay Hesus na tinalikuran natin sa maraming pagkakataon sa nakaraan.
Pagpalain tayo ng Poong Maykapal!
+ Gaudencio B. Cardinal Rosales
Arsobispo ng Maynila
Obispo Honesto Ongtioco
Obispo ng Cubao
Obispo Jesse Mercado
Obispo ng Parañaque
Obispo Deogracias Iniguez
Obispo ng Kalookan
Obispo Francisco San Diego
Obispo ng Pasig
Obispo Gabriel Reyes
Obispo ng Antipolo
Obispo Antonio Tobias
Obispo ng Novaliches
Obispo Jose Oliveros
Obispo ng Malolos
Obispo Leo Drona
Obispo ng San Pablo
Obispo Luis Antonio Tagle
Obispo ng Imus
Obispo Pedro Arigo
Birakyo Apo. ng Puerto Princesa
Obispo Edgardo Juanich
Bikaryo Apo. ng Taytay
Obispo Leopoldo Tumulak
Obispo ng Military Ordinariate
Obispo Francisco de Leon
Katulong na Obispo ng Antipolo
Obispo Broderick Pabillo
Katulong na Obispo ng Maynila
Obispo Bernardino Cortez
Katulong na Obispo ng Maynila
Linggo ng Palaspas, 2008
- Samuel Huntington, Political Order in Changing Societies, p. 67.
- Ricardo Manapat, Some are Smarter than Others, ($1.9B in 1981 to $2B in 1982), pp.324-328; 341.
|