LINGGO NG MGA KAMULATAN SA MGA BILANGGO
Ika-29 ng Oktubre 2006
PAKSA: “PAGHIHILOM (NG SUGAT), PAGSASABALIK NG PAG-ASA AT DIGNIDAD SA KOMUNIDAD”
PANIMULA:
Si Kristo ay naghahatid ng liwanag sa mga taong nasa kadiliman. Sa ebanghelyo ngayon ay naghatid siya ng liwanag sa buhay ni Bartimeo nang hayaan niya itong makakita. Hinilom niya ang kanyang sugat, ibinalik ang kanyang pag-asa at dignidad sa komunidad. Bilang mga kristiyano na tinawag upang sumunod kay Kristo, tayo ay hinihilingan din na maghatid ng liwanag kung saan man may kadiliman.
Mayroong kadiliman kung saan man may kawalan ng kalayaan, kung ikaw ay napabayaan at nawalay sa iyong mga mahal sa buhay, kung ikaw ay nagdurusa at nalulungkot, kung saan may paghuhusga at kawalan ng katarungan.
Mga kapatid, ganitong uri ng kadiliman ang kinasasadlakan at pinagdurusahan ng ating mga kapatid sa bilangguan at ng kanilang mga naging biktima. Kailangan nila ang liwanag – katulad ng liwanag na inihatid ni Kristo kay Bartimeoat sa ating lahat.
Sa araw na ito, habang ipinagdiriwang natin ang Linggo ng Kamulatan sa mga Bilanggo, ang hamon na maghatid ng Liwanag sa mga bilanggo at sa kanilang mga naging biktima ay nasa ating harapan. Kaya ba natin itong tugunan?
Sa ating pagdiriwang sa Eukaristiya, hilingin natin sa Diyos na ibigay sa ating sambayanan ang biyayang makipagkapit bisig kay Kristo sa pagtatayo ng Kristiyanong pamayanan sa bilangguan.
Pagsisisi
Pari: Sa ating paghahanap ng kaginhawaan, nalilimutan natin an gating kapwa. Lubhang mahirap magkawanggawa kung tayo’y puno ng mga bagay sa sarili. Mapatawad nawa tayo ng Diyos sa ating pagkamakasarili. (Tumahimik sandali)
Pari: panginoong Hesus, sa di naming pagkilala sa iyo sa aming kapwa: panginoon kaawaan mo kami.
Lahat: Panginoo, Kaawaan mo kami.
Pari: Panginoong Hesus, sa pagtanggi naming magbigay sa iba dahil sa labis naming pagmamahal sa aming sarili: Kristo, Kaawaan mo kami.
Lahat: Kristo, Kaawaan mo kami.
- Upang ang bumubuo ng custodial force at mga empleyado ng Kawanihan ng Bilanggo sa pamamagitan ng kanilang katapatan sa paglilingkod at pagtulong sa pagbabago ng mga bilanggo ay maghatid ng liwanag sa ating mga kapatid na nasa kadiliman dahil sa kawalan ng kalayaan at pang-aalipin. Manalangin tayo…
- Upang ang mga bilanggo at ang kanilang mga naging biktima ay maghatid ng liwanag ni Kristo sa isa’t isa sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos sa pagbubuo ng kristiyanong sambayanan sa kanilang lipunan. Manalangin tayo…
- Upang ang mga aktibong kasapi sa sa Prison Ministry ay patuloy na magbigay liwanag sa buhay ng mga bilanggo at kanilang naging biktima sa pamamagitan ng kanilang katapatan sa kanilang paglilingkod. Manalangin tayo…
- Upang tayo na naririto sa pagdiriwang ng banal na Eukaristiya kasama ang mga nasa Prison Ministry ay magkapit-bisig kay Kristo at magbuo ng Kristiyanong Sambayanan sa loob ng mga bilangguan. Manalangin tayo…
Pari: Panginoon, ikaw ang naghatid ng liwanag sa mundo. Sa pamamagitan ng aming binyag, kami ay iyong tinawag upang maging bahagi ng inyong liwanag. Lagi nawang magningas ang liwanag ng pananampalataya sa aming buhay upang kami ay makatulong sa pagsugpo ng kadiliman at hayaang ang iyong liwanag ang sumilay sa aming daigdig ngayon. Ito’y hinihiling namin sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon.
Lahat: Amen.
Panalangin Sa Mga Handog
Pari: Panginoon, tanggapin mo ang mga handog na ito, kasama ang aming mga panalangin para sa aming mga kapatid sa bilangguan at kanilang mga naging biktima. Nawa’y ang aming mga panalangin ay madama nila sa pamamagitan ng aming pag-aalay ng paglilingkod at pagmamalasakit. Ito’y hinihiling namin sa pamamagitan ng Kristong aming Panginoon.
Lahat: Amen
Panalangin Pagka-Komunyon
Pari: Maraming salamat Ama, sa kagalakan at kapayapaang hated ng pagtanggap sa katawan ng iyong Anak na si Hesus. Sa pamamagitan nawa ng biyayang ito ay manatili kaming namumuhay sa liwanag at katulad Niya, kami nawa ay maging liwanag sa aming kapwa lalung lao na doon sa mga nasa bilangguan at sa kanilang naging biktima. Ito’y hinihiling namin sa pamamagitan ni Kristong naghatid sa amin ng liwanag at Espiritu Santo Diyos magpasawalang hanggan.
Lahat: Amen.
|