HomeRCAMDirectoryParishesNewsLibraryGalleryDonationLinksContact Us
Hamon ng Taon ng Pananampalataya: Manalig, Magtiwala
Article Index
Hamon ng Taon ng Pananampalataya: Manalig, Magtiwala
Page 2
All Pages

(Homily delivered by Cardinal-designate Luis Antonio G. Tagle, Archbishop of Manila, during the Mass to launch the Year of Faith in the Archdiocese of Manila on November 3, 2012, at the San Fernando de Dilao Parish church in Paco, Manila.)




Nagpapasalamat po tayo sa Poong Maykapal na bilang isang Archdiocese of Manila tayo po ay nagkakatipon ngayong umaga upang pormal na buksan ang Taon ng Pananampalataya dito po sa  ating archdiocese. Bagamat nagsimula na ang Year of Faith nuong ika-11 ng Oktubre at hindi naman tayo humihiwalay sa buong simbahan, ngayon po natin pormal na pinasinayahan ang taong ito ng pananampalataya at ng biyaya. At nakakatuwa po na tayo ay punong puno sa simbahang ito na ating temporary cathedral. Iba’t-iba ang ating mga anyo, may mga bata, may mga hindi na bata, may mga nagbabata-bataan, mayroong mga laiko, may mga religioso, religiosa, may mga pari, at kasama po natin ang ating dalawang auxiliary bishops nandito sa harapan.  Ang simbahan ang bayan ng Diyos ang katawan ni Kristo, ang buhay na templo ng Espiritu Santo. At sama-sama sinasabi natin, “sumasampalataya kami, sumasampalataya ako.” 

Bakit po nagpahayag ang ating Santo Papa Benedict XVI ng Taon ng Pananampalataya? Ito po ay una sa lahat bilang pagdiriwang, celebration, ng dalawang napakahalagang pangyayari sa simbahan na sana ay naging daan upang mabuhay muli ang pananampalataya. At ano ang dalawang pangyayaring ito? Una, 50 years ago ay sinimulan ang Second Vatican Council. Vatican II, na sa atin pong panahon ay pinaka- marubdob na renewal in faith. Yan po ang ating isang anibersaryo. At ang ikalawa ay ang ikadalawampung taon na promulgation ng Catechism of the Catholic Church upang ang pananampalatayang Katoliko ay maunawaan, maisabuhay at maipasa sa iba. Kaya po ang Year of Faith ay celebration of two major anniversaries, celebrating the faith in the Church: the opening of Vatican II 50 years ago, and the promulgation of the Catechism of the Catholic Church 20 years ago. 

Pero bukod sa pagdiriwang ng pananampalataya, napansin ng ating mahal na Santo Papa na pagkatapos ng Vatican II, pagkatapos mailunsad ang Catechism of the Catholic Church, parang sa maraming bahagi ng mundo, sa halip na mabuhay ang pananampalataya, parang ang mga tao ay lalo pang lumayo sa pananampalataya. May mga bahagi sa mundo ang nagsasabing hindi na natin kailangan ang pananampalataya, hindi na natin kailangan ang Diyos, kaya na nating ipaliwanag ang mga nangayayari sa mundo kahit walang Diyos; kaya na natin solusyunan ang mga hinaing sa buhay kahit na walang Diyos. 

Kapag binura mo na ang Diyos parang sinasabi mo na rin na wala ng silbi ang pananampalataya. Ito po ay nakakatakot. Anong uri ng mundo ang darating sa atin kapag sinabi natin na hindi na kailangan ang Diyos? Ano ang mangyayari sa tao, ano ang mangyayari sa buhay ng tao, ano ang mangayayari sa mga dukha, ano ang mangyayari sa mga pamilya, ano ang mangyayari sa lipunan, ano ang mangyayari sa kalikasan, kapag sinabi nating walang Diyos at hindi kailangan ang Diyos? Baka ang mangyari po ay corporate suicide. Kapag nawala ang Diyos, itinanggi ang Diyos, at binalewala ang pananampalataya, hindi kaya unti unti na rin nating pinapatay ang ating mga sarili, ang ating pamily, ang ating lipunan, ang buong sangnilikha? 

Kaya po sabi ng Santo Papa para mamulat tayo muli, sa pamamagitan ng Taon ng Pananampalataya, at sana po ay madiskubre natin na may bagong sigla at ligaya ang ating Diyos at ang ating pananampalataya. Na hindi sagabal sa ating buhay ang Diyos at pananampalataya at sa katunayan kapag buhay ang pananampalataya, buhay ka bilang tao! Mas buhay ang ating pamilya, mas buhay ang lipunan, mas buhay ang ating pananagutan sa ating kapwa at mas buhay ang ating pangangalaga sa ating kalikasan. Ang pananampalataya ay hind sagabal kundi yan pa nga ang nagpapaalab ng ating pakikisangkot sa ating kasaysayan at sa ating buhay. 

Ngayon po mga minamahal kong mga kapatid, sasabihin natin, “Ay iyan ay problema sa ibang bansa pero sa Pilipinas hindi natin problema iyan.”  Punong-puno ang ating mga simbahan, ang hahaba ng ating mga prusisyon, ang daming binibinyagan tuwing linggo, at kapag mga piyesta lalo na ng Nazareno, Santo Niño, La Naval, hindi magkamayaw, nagsisiksikan, buhay ang pananampalataya! Salamat sa Diyos buhay ang pananampalataya sa atin.

Pero mayroon din sinasabi ang Santo Papa na tinatawag na “practical atheism.” Mayroon kasing atheism na hayagan, sinasabi ko, “Hindi ako naniniwala na mayroong Diyos.” Pero mayroon daw mga iba, sa bibig sinasabi sumasampalataya ako, pero in practice, parang wala rin naman silang Diyos. Pag Linggo sinasabi, nakapikit pa ang mga mata, “Sumasampalataya ako sa Diyos Amang makapangyarihan sa lahat.” Pag Linggo iyan! Pag simula ng Lunes nandaraya dahil sa pera; tinatapakan ang kapwa dahil gustong umasenso. Walang pangundangaan sa kabutihan at katarungan para lamang magkaroon ng poder. Mayroon bang Diyos, ano ang Diyos ng taong iyan? Baka pera, baka karangalan, baka poder. Baka hindi siya naniniwala sa tunay na Diyos. 


Kaya nga ang Year of Faith ay para sa ating lahat. Lahat po tayo sabi nga isang theologian, “There is an unbeliever in every believer.” Sa bawa’t nanampalataya mayroon diyang maliit na bahagi na parang hindi pa lubos ang pananampalataya. Kaya huwag lang tayo titingin sa ibang bansa na ang Year of Faith ay para sa kanila. Hindi po. The Year of Faith is for all of us. Lahat po tayo inaanyayahan, sariwain ang pananampalataya, ipahayag, maging maligaya, huwag ikahiya. Dati rati kapag dumaraan ang jeep sa harap ng simbahan, halos sabay sabay, ang lahat ng pasahero nag-a-antanda. Ngayon, nahihiya na mag-antanda. Yung iba tinatago pa eh, ganito na lang... baka makita, baka nakakahiya.  (Guilty rin ako diyan. Sa mga ibang bansa pag magattend ako ng meetings may mga nagtatanong sa akin, “Ano ang ginawa mo dito?” Sa halip na sabihin kong uma-attend ng meeting nga pari, sasabihin ko, umattend ng meeting, period. “Bakit, ano ka?” “Teacher.” Naku ayaw pang sabihin, pari. “Bakit mukha kang pari,” tatanungin ka. Isasagot ko, “Bakit mo tinatanong iyan?” Ba’t ba ayaw pang sabihing, “Pari ako. Bakit ayaw sabihing Katoliko ako. Bakit ayaw sabihing nananampalataya ako!” O baka kabilang na nga tayo dun sa nagiging parang “practical atheist.” Sa bibig sinasabi “sumasampalataya ako” pero in practice parang kung maaari, umiiwas sa pagpapahayag na ako ay Kristiyano. Baka lahat tayo ay guilty noon. 

Hayaan po ninyo na sa maikling pamamaraan, hindi po natin kayang sakupin ang lahat tungkol sa Year of Faith. Isang bagay lang po ang aking bibigyan ng pansin, at lagi rin pong ipinapaalala ng ating Santo Papa mula nung kanyang ipinihayag ang Year of Faith. At tamang tama na naririto sa ating mga pagbasa. 

Ang ating pananampalataya ay isang buhay na ugnayan sa Diyos. The question of faith is a question of our relationship with God. Kamusta ba ang ugnayan natin sa Diyos? Tunay ba ang Diyos sa iyo? Kaibigan mo ba siya? Lagi mo ba siyang kinakausap? Ano ang impluwensiya niya sa iyo. Ang buhay mo ba ay umiinog sa iyong pakikipagugnayan sa Kanya? Gaano kalakas ang impluwensiya sa buhay mo, sa pagkatao mo, sa inyong mga ugnayan, ng Diyos na iyong pinaniniwalaan. At ang ugnayang ito sa Diyos ay hindi natin gawa. Ito una sa lahat ay biyaya ng Diyos. Siya ang unang ibig makipagugnayan sa atin. Siya ang naghahanap sa atin. Siya ang lumalapit sa atin. Siya ang laging nakatingin sa atin. Tatanungin natin, “Papaano lumalapit ang Diyos sa atin para magsimula ng ugnayan ng pananampalataya?” 

Sa ebanghelyo nakita natin si Hesus, larawan ng pananampalataya. Binuksan niya ang Salita ng Diyos, at duon nangusap ang Diyos sa kanya. Mga kapatid, sabi ni San Pablo, “Faith comes from hearing.” Ang pananampalataya ay bumubukal sa ating kalooban kapag nakapakinig sa Diyos na nangugusap sa atin. Ang Diyos ang unang lumalapit sa atin. Ang Diyos ang unang nagsasalita sa atin. Sa pamamagitan ng Kanyang Salita na buhay sana mabuksan ang ating puso. Kaya po sana ang Taon ng Pananampalataya maging taon din ng ating kabukasan sa Salita ng Diyos. Malimit ko pong sinasabi, ilang oras tayo sa harap ng TV, para sa mga telenovela at mga balita at mga laro. Pero yung 15 minutes sa salita ng Diyos wala tayong pasensiya, wala tayong energy. Eh papaano natin mapapakinggan kung hind tayo magbibigay tuon. 

Kaya po ang taon na ito sana maging taon ng pakikinig kay Hesus na nagsasalita sa ating sa pamamagitan ng Bibliya, sa turo ng simbahan. Kay Hesus na lumalapit sa atin sa pamamagitan ng mga sakramento  at si Hesus na lumalapit at nangungusap sa atin sa pamamagitan ng ating mga kapwa lalu na ng mga maliit at mga dukha at sa pamamagitan ng pangyayari sa mundo at sa kalikasan. Ang Diyos lumalapit, ang tanong lang, papansinin ba natin? 

Yung mga kalalakihan dito, I’m sure nakaranas kayo na kayo ay nangligaw na halos habol kayo ng habol sa crush ninyo at hindi kayo pinapansin. Di ba nasaktan kayo? Yung iba sa inyo nagisip pa na magpatiwakal. Tignan ninyo ang hirap nung ganun na kayo ay hindi pinakikinggan. O bakit natin ginagawa sa Diyos? Mga kababaihan, di ba kayo minsan may crush eh dahil hindi naman kayo puedeng manligaw nagbibigay kayo ng mga pahiwatig. Kunwari nahulog ang inyong panyo. At hindi nakikita ang inyong panyo, natapakan pa, wow, ang sakit! Di ba ho hindi kayo pinansin. O kaya nahulog kunwari yung inyong barya, pambayad sa jeep, nakita nga pinulot sinabi, “swerte” ibinayad para sa sarili niya. Naku, ang sakit! Hindi kayo napansin, eh bakit ginagawa natin sa Diyos. 

Ang Diyos na lapit ng lapit. And Diyos na nangungusap, nandyan lang, pero binabalewala. Ano ang tugon natin sa Diyos na lumalapit, sa Diyos na katulad ni Hesus sa ebanghelyo ay nangungusap sa atin? Ang atin sanang tugon, sabi sa unang pambansa, sa ecclesiastico, pananalig. At ang taong nananalig sa Diyos nagiging panatag. Ang nananalig sa Diyos nagiging matapang, nagkakaroon ng pagasa. Ang nananalig sa Diyos napapasigla ang kalooban, nagniningning ang mga mata. Tignan ninyo ang mata ng inyong katabi, kapag hindi nagniningning baka hindi nananalig sa Diyos. Ang nananalig sa Diyos nagbibigay ng ganap na kalusugan. May lakas, hindi matamlay. Kahit gaano kadaming vitamin E ang inumin mo kung wala kang pananampalataya wala kang sigla. Hindi naman ako nagsasabing huwag kayong uminom ng bitamina. Sinasabi ko lamang ang tunay na sigla. Bakit yung iba umagang umaga walang pang ginagawa,  pagod na pagod na. Baka wala iyan sakit sa katawan, baka ang sakit niyan walang pinananaligan. Mayroong iba maghapon nang nagtatrabaho hindi pa pagod, bakit masigla? Baka mayroong pinagaalayan ng buhay. At ang nananalig sa Diyos makakaranas ng batis ng pagpapala. Pananalig. Ang Diyos lumalapit, nangungusap. Simple lang naman ang hinihingi, manalig ka. Magtiwala ka. 

Pero bago ko po iwanan ang puntong ito mga kapatid nakikiusap po ako, suriin po natin ng sama-sama ito. Minsan po naiisip ko, paano mananalig sa Diyos na hindi nakikita kung hindi tayo kayang manalig, magtiwala sa tao na ating nakikita. Hindi kaya kailangan na sa taon ng pananampalataya magtulungan tayo na ibalik ang panalig na unti-unti ng na nawawala sa mundo. Hindi lamang yun pananalig sa Diyos kundi yung pananalig sa kapwa. Parang lahat tayo diskumpiyado ha. Ako ho, aaminin ko kapag sumakay ako sa bus, lagi kong tinitignan kung nandiyan pa ang relo ko, baka wala na. Lagi kong kinakapa kung nandyan pa ang aking wallet, baka wala na. Parang nawala na yung pananalig sa kapwa. Kapag sumakay ng tricycle mayroon kang pagdududa kung yung sinisingil sa iyo ay tama o baka ikaw ay dinaraya. Pag pumasok sa isang ahensiya ng gobyerno at binigyan ka ng listahan ng babayaran, minsan nagtatanong ka, hindi kaya ito pinatungan? Kapag may lalapit sa iyo, ito ho ay tulong ko, minsan nagdududa ka, ito kaya ay tulong o may kapalit ito. Parang ang atmosphere natin napakahirap ng manalig sa tao, sa institusyon. 

Eh, kapag walang pananalig sa ordinaryong buhay papaano mananalig sa Diyos. Baka humina. Sana ang mangyari dahil wala na akong mapagkatiwalaan sa mundo sa Diyos ako kakapit. Sana ganun. Pero sa ordinaryong buhay, kapag walang training in hope and trust in the homes, in the families in the neighborhoods, in the schools, in our daily lives in the society, if there is no trust then even trust in God could be affected. Kaya po sana sa taon ng pananampalataya, tulungan natin ang bawat isa na manalig sa Diyos sa pamamagitan ng pagiging trustworthy. Kapag tayo ay natuto muli na magtiwala sa isa’t isa, baka ang puso ng tao ay magiging matabang lupa para pagtamnan ng tiwala at pananalig sa Diyos. Lalo na po sa mga magulang, sabi po nila na ang mga bata na hindi nakaramdam na kaya nilang may pagkatiwalaan ang kanilang mga magulang habang bata, lalaki yang wala nang pinagtitiwalaan, baka pati na ang Diyos. 

Napapansin ko po baka kaya marami ring ayaw magasawa, nagsasama nalang ay baka dahil wala ng tiwala sa isa’t isa. Hindi ako sigurado. Tignan ninyo nauuso yung mga pre-nuptial agreement. Hindi pa nga nangangako sa isa’t isa may pagdududa na. Bago pa tayo magasawa, let it be clear, hindi mo makukuha ito, hindi mo makukuha ito. Simula ng pagaasawa ay lack of trust. Ibalik po natin ang tiwala.

At panghuli po. Pag si Hesus ay dumating sa buhay natin at tayo ay nanalig, ano ang uuwian? Conversion. Pagbabago ng ating pagkatao. Pagbabago ng ating lipunan. Pagbabago ng simbahan. Katulad na sinasabi ni  San Pablo sa ikalawang pagbasa, isang sambayanan na itinanim sa kanilang puso at isip ang salita ni Kristo, at dahil itinanim ang Salita ni Kristo sa kalooban nila, wow, an ideal community. Nagmamahalan, nagpapatawaran, may kapayapaan, nananalangin, nagpapasalamat sa Diyos, at anuman ang ginagawa, sa salita man o sa gawa, ginagawa sa panglang ng Diyos, hindi sa pangalan ng sarili o sariling hilig. Ang pananampalataya ang pinakamabisa na daan upang magkaroon ng mga tao, institusyon, lipunan of integrity, justice, truth, love and peace. Kapag kilala mo na si Kristo at ang kanyang salita ay nakatanim sa atin at dinidiligan ng pananalig, ang bunga niyan ay mga tao, pamilya, simbahan, lipunan, bansa, mga institusyon na marangal, mapagkakatiwalaan, dumaramay, makatarungan, at may pagibig. 

Ngayon po ay Sabado araw ng Mahal na Ina. Dumating ang Salita ng Diyos sa kanya. Nanalig siya. Nabago ang kanyang buhay at nabago ang sangkatauhan dahil sa pananampalataya ng babaeng ito, ang kasaysayan ay nabago, ang Anak ng Diyos naging tao. 

Kapistahan po ngayon ni San Martin de Porres. Hinamak hamak, ang ama ay Espanyol, ang ina ay itim sa Peru. Pero sa pananampalataya, siya na itinuturing na yagit ay naging bantayog ng simbahan. Sabi nga po nila kung gusto nating magkaroon ng mga modelo sa panahon ng pananampalataya, pumunta tayo sa mga santo. Sila na nagpakita sa buhay nila kung papaano makinig sa Salita ng Diyos. Papaano itatanim ang Salita ng Diyos sa kalooban. Papaano nananalig, isip, katawan, pagkatao sa Diyos. At kung papaano uusbong ang bagong pagkatao, bagong bayan, bagon simbahan sa pamamagitan nila.  

At panghuli po. Sabi po sa akin ni Father Mon Merino nung nagkita kami sa Roma, “Bishop umalis ka nung October 5 Archbishop ka, uuwi ka, Cardinal ka na. Ano ba ang nangyari sa inyo?” Hindi ko nga po alam kung ano ang nangyari, parang napakaunexpected na ano... at napakalaking hamon para sa akin, siguro para sa ating lahat na sa taon ng pananampalataya at sa taon ng panghirang kay San Pedro Calungsod, kapag dumating ang Diyos sa ating buhay, hindi man ayon sa ating mga panahon, hindi man ayon sa ating mga plano, o hindi man laging tugma sa ating iniisip, kung dumating ang Diyos at nangusap, handa ba tayong manalig? Handa ba tayong magpaangkin at maging daan ng Kanyang Salita at Kanyang biyaya sa lupa?

Inaanyayahan ko po kayong lahat na samahan, hindi lamang ako kung hindi ang buong archdiocese. Ito po ay hindi lamang pagkilala sa akin, ang talagang kinikilala ay tayong lahat, ang sambayanan ng Diyos sa Archdiocese of Manila at sa Pilipinas. Gusto ng Santo Papa na ang ating archdiocese ay laging malapit sa kanya, at ang ating karanasan, lalo na ang ating mga testimonies of faith ay maging bahagi ng kanyang isipan ay magpayaman sa universal Church. Kaya hindi po ako ito, tayong lahat po ito at sama sama po tayong maglakbay sa pananampalataya upang sa ating kababaan lagi tayong kasinhan ng Diyos. At sa ating karukhaan, at sa ating kasalan, ang pangalan nawa ng Diyos ay laging makapurihan. 

Tahimik po nating ibukas ang ating mga sarili sa biyaya ng pananampalataya. Humingi po tayo ng lakas upang makatugon ng may pananalig.